Isang tindahan ng pansit ang viral at dinarayo ng mga parokyano hindi lang dahil sa masarap at mura ang presyo, kung hindi nais rin nilang masulyapan ang guwapo nitong tindero na binansagang "Pancit Heartthrob" ng Tondo sa Maynila.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang 20-anyos pero baby face na si Keith Albert Acop, na nagbebenta ng pansit sa halagang P25 lamang.

"Minsan po kapag namamalengke ako, tinatawag akong 'Pogi! Pogi! Punta ka rito, may discount ka!'" kuwento ni Keith.

Mestiso si Keith kaya madalas siyang napagkakamalang anak ng foreigner. Gayunman, Pinoy na Pinoy ang binata na cetified lola's boy dahil maagang naghiwalay ang kaniyang mga magulang.

Dahil dito, maaga rin siyang natutong dumiskarte sa buhay at nagtrabaho bilang taga-serve ng ulam sa canteen noong Grade 10.

Tumatao-tao rin siya sa karinderya ng kaniyang lola, at dito siya natutong magluto ng specialty nitong pansit.

Hanggang sa nagtayo si Keith ng sarili niyang puwesto sa Divisoria. Dalawang kilo ng pansit bihon at tatlong kilo ng pansit Canton ang kaniyang iniluluto kada araw.

Hanggang sa noong isang tipikal na araw ng kaniyang pagtitinda sa Divisoria, isang food vlogger ang nagtampok sa kaniya.

Magmula noon, dinudumog na ang kaniyang puwesto.

"May nagsabi rin po na kamukha ko raw po 'yung anak ni Ina Raymundo raw po. Masaya po kasi po kinukumpara ko sa mga artista po," anang binata.

Sa kabila nito, may nag-mamayari na ng puso ni Keith na si Raven Samantha Tud, na kaniyang schoolmate at kasa-kasama niya sa pagtitinda.

Nakilala ni Keith si Raven, na sumasali sa mga pageant. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Keith at pinormahan ang dalaga.

"Simula po nu'ng nag-viral po si Keith, medyo nagseselos po ako sa mga dumadayo-dayo kasi po minsan po 'yung mga dumadayo ang kukulit na po," sabi ni Raven.

Naging puhunan nila ang kanilang ipon na P3,000. Ilan sa kanilang mga naging pagsubok ay nang makumpiska ang kanilang food cart at tatlong buwan siyang hindi nagtinda.

Dahil dito, minsang pumasok sa isip ni Raven na hiwalayan si Keith. Ngunit mas pinili niyang habaan muna ang kaniyang pasensya at palaging binibigyang motibasyon si Keith.

Kalaunan, unti-unti silang nakabangon, at malaking tulong na ang kanilang kita para sa plano nilang pagbabalik eskuwela sa susunod na pasukan at pag-iipon para sa kolehiyo.

Tunghayan sa KMJS ang amazing transformation ni "Pancit Heartthrob," at ang nakakakilig nilang date ni Raven. -- FRJ, GMA Integrated News