Tinawag na multo ng mga kaanak ang isang lalaki na inakala nilang patay na at inilibing pa nila nang bigla itong umuwi ng bahay sa Sual, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nitong nakaraang Agosto 4 nang may makitang kalahating katawan ng lalaki ang hinahampas ng alon sa batuhan sa Burgos, Pangasinan.
Inakala ng mga kaanak ni Eduardo Gille Sr., residente ng Barangay Seselangen sa Sual, na siya ito dahil umalis siya ng Aug. 1 at hindi na muling nakita nang sandaling iyon.
Dahil baywang pababa lang ang bahagi ng katawan, pinagbatayan ng mga kaanak ni Gille ang palatandaan sa paa nito kaya inangkin ng pamilya ang bangkay, pinaglamayan ng dalawang gabi, at inilibing noong Aug. 7.
"Sabi nila multo-multo. Sabi sa akin 'bakit ka nabuhay eh inilibing ka na?'. Sabi ko binigyan pa ako ng pagkakataon ng Panginoon," ayon kay Gille, na nagawa nang bisitahan ang puntod nang pinaglibingan sa bangkay na inakalang siya.
Sinabi ni Gille na umalis siya ng bahay noong Aug 1., matapos silang magkaroon ng tampuhan ng kaniyang asawa.
Hindi naman binanggit sa ulat kung saan siya nagpunta.
Hindi rin maiwasan ng pamilya na manghinayang sa kanilang nagastos sa lamay at pagpapalibing sa bangkay.
Ayon sa pulisya ng Burgos, may dalawang pamilya na mula sa Dasol at Zambales na umaangkin din sa bangkay.
Pero para makatiyak na sa pagkakataong ito kung sino ang kamag-anak ng bangkay, magsasagawa na ng DNA test.--FRJ, GMA Integrated News