Patay sa pamamaril ang dalawang lalaki na edad 14 at 16 sa loob ng isang computer shop sa Samal Island.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa loob ng computer shop sa Purok 3, Barangay Camudmud, Babak District, nitong Linggo.

Habang abala ang mga tao sa harap ng computer, isang lalaki na nakasumbrerong pula at nakasuot ng damit na asul na long sleeve ang pumasok at namaril.

Ang isang biktima, tila nakipagbuno pa sa suspek hanggang sa umabot sila sa labas ng computer shop.

Hindi na nakita sa CCTV camera pero madidinig ang sunod-sunod na putok ng baril.

Nasawi ang mga biktima na si alyas Mark, 14-anyos, at alyas hanggang alyas John, 16, na kapuwa idineklarang dead on arrival sa ospital.

Ayon sa pulisya, tumakas ang salarin na sakay ng motorsiklo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang motibo sa krimen, kasabay ng pagtugis sa mga salarin. --FRJ, GMA Integrated News