Binalikan ni Suzette Doctolero kung paano niya nabuo ang konsepto ng hit fantasy series na “Encantadia,” na nagsimula sa ideya ng mga palaban na diwata. Alamin kung bakit kay Danaya pinaka naka-relate ang GMA Head Writer sa apat na Sang'gre.
Sa online talk show na “Just In,” ikinuwento ni Doctolero na naimbitahan siya sa isang writers’ summit, kung saan hiniling nina Lilybeth Gomez-Rasonable at Wilma Galvante ng GMA Network na mag-pitch ang mga writer ng series tungkol sa mga diwata, tulad ni Maria Makiling.
Doon, iminungkahi ni Doctolero ang “Encantadia.”
"Kaya lang, instead of diwata lang na alam mo 'yun, 'yung pa-cute na diwatang nakaputi, ang binigay kong concept, mga diwatang humahawak ng armas, nakikipaglaban," sabi ni Doctolero.
Sinabi rin ni Doctolero na may malaki ring kontribusyon si GMA Senior Vice President Annette Gozon-Valdes sa pagbuo ng mga karakter sa Encantadia.
Ayon kay Doctolero, nakaisip siya ng tatlo lamang na mga diwata para sa series, pero nagdagdag pa si Gozon-Valdes ng isa para makumpleto ang mga elemento ng hangin, tubig, lupa at apoy.
Tinanong ni Paolo kung hango ang mga Sang’gre sa pagiging palaban ni Doctolero.
"So kung ano siguro ako, 'yun din yung mga nagiging character ko," sabi niya. "Isip at puso 'yun ng writer eh, tsaka kaluluwa ng writer 'no."
"Kung titingnan niyo 'yung body of works ko, karamihan ng mga trabaho ko ay maka-babae, medyo may feminist ano... Like halimbawa, 'Encantadia,' and 'yung mga succeeding pa, halimbawa 'Amaya' and everything," dagdag ni Doctolero.
Pero ayon kay Doctolero, kay Danaya siya pinaka naka-relate sa mga Sang’gre.
"Nakaka-relate ako dun sa ugali ni Danaya because I'd like to believe na napaka-principled ni Danaya eh. Kaya niya mag-stand on her own kahit na ang daming hindi naniniwala or nang-aano sa kaniya," saad niya. --FRJ, GMA Integrated News