Timbog ang isang 67-anyos na lalaki dahil sa panghihipo umano sa isang limang taong gulang na babae sa mismong birthday party pa ng biktima sa Navotas noong nakaraang taon. Ang akusado, itinanggi ang paratang sa kaniya.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente noong Oktubre 2024.
Dinakip ng pulisya ang akusado nitong Miyerkoles sa bisa ng warrant of arrest.
Ayon sa pulisya, dating barangay tanod ang akusado. Nangyari raw ang krimen sa birthday party pa mismo ng biktima.
“‘Yung suspect, siya 'yung katulong sa pag-aayos ng tent para sa kaarawan ng biktima. Noong mga ala-una ng madaling araw na, habang naglalaro ‘yung bata is nilapitan ng suspect, binuhat at kinalong sa kaniyang binti. And then ayon sa salaysay ng bata is hinawakan 'yung maselang bahagi ng bata,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Randolf Asuncion, Navotas Assistant Chief of Police for Administration.
Ayon sa salaysay ng bata sa pulisya, inulit pa umano ng akusado ang panghihipo hanggang sa makita sila ng ina ng biktima.
“Noong nakita ng nanay is tinawag 'yung bata para umuwi na sila. At pag-uwi nila, tinanong ng nanay kung ano 'yung ginawa sa kaniya at isinalay ng bata na ‘yun daw ang ginawa ng suspek,” sabi pa ni Asuncion.
Depensa ng akusado, nakapatong noon sa hita ng bata ang cellphone habang naglalaro ito, hanggang sa nahulog ito.
“Kinuha ko, nilagay ko rito. Akala siguro ng nanay ng bata, may ginagawa ako doon sa bata pero wala… Hindi naman kasi totoo 'yung binibintang sa akin. Ang mga kalaro nu’n, mga apo ko rin,” sabi ng akusado.
Nahaharap sa reklamong acts of lasciviousness ang akusado, na nakabilanggo na ngayon sa Navotas Police Station. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News