Isang 10-taong-gulang na lalaki na may kapansanan sa pag-iisip ang nakitang patay sa ilog sa Dagupan City, Pangasinan. Pero bago makita ang kaniyang bangkay, nahuli-cam na binitbit siya ng ilang kabataang lalaki para umano tulungan.
Sa ulat ni King Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Eden Esguerra, residente ng Barangay Malued.
Sa kuha ng CCTV sa Barangay Pogo Chico, makikita ang ilang kabataan na nag-uumpukan sa gilid ng daan. Hindi nagtagal, dumaan ang biktima na walang saplot at dumiretso sa isang tindahan.
Maya-maya pa, pinuntahan siya ng dalawang kabataan at binitbit papunta sa kanilang pinagtatambayan.
Hindi pa malinaw sa mga imbestigador kung papaano napunta sa ilog ang biktima.
Pero idineklara siya ng mga kaanak na nawawala nitong Huwebes at nitong Biyernes ng umaga ay nakita ang kaniyang bangkay.
Ayon sa report, batay sa paunang imbestigasyon ay nakita rin umano sa ilog ang ilang kabataan na nakita sa CCTV.
Inihayag ng punong barangay ng Malued na si Filipina delos Santos, minsan na rin umanong nawala ang biktima at nakikita sa ibang lugar.
Sinabi naman ng kaanak ng biktima na hindi nananakit ang bata kahit may kapansanan ito sa pag-iisip.
Ayon kay Police Lieutenant Nario Cahigas, Investigation Officer ng Dagupan City Police, inendorso na nila sa Women and Children Protection Desk ang pagsisiyasat sa sinapit ni Esguerra dahil mga bata ang sangkot.
Ipaliwanag naman ng ilan sa mga kabataan na nakita sa CCTV na hindi nila sinaktan ang biktima at sa halip ay tinulungan pa raw nila.
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang alamin kung may foul play sa kaniyang pagkamatay.--FRJ, GMA News