Matinding hinagupit din ng bagyong "Ulysses" ang lalawigan ng Cagayan kung saan 23 sa 28 munisipalidad ang binaha--kabilang ang kapitolyo nito na Tuguegarao City na 90 porsiyento na umanong lubog sa tubig.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabi ni Rogie Sending, Cagayan Provincial Information officer, na tinututukan nila ang Tuguegarao dahil sa matinding pinsalang inabot ng kapitolyo sa baha.
Sabi pa ng lokal na opisyal, mayroong apat na nasawi sa bayan ng Baggao.
"Mayroon apat na casualty na tayo na nabiktima ng landslide sa Baggao. Natabunan ng lupa ang kanilang bahay kaninang madaling araw," sabi pa Sending.
Sa ulat, ipinakita ang ilang larawan at video ng mga lugar sa lalawigan na nalubog sa baha dahil sa hagupit ng bagyo.
Ang ilang bahay, halos bubong na lang nakikita at nalubog din sa tubig ang malawak na palayan.
Ilang kalsada rin ang hindi na madaanan at may mga tulay na nasira. --FRJ, GMA News