Sinusubukan ngayong bawiin ng mga tao sa Lopburi, Thailand ang kanilang lungsod matapos itong dagsain at gawing tirahan ng napakaraming unggoy. Ang mga hayop, patuloy pang dumadami.
Sa Twitter post ng Agence France Presse, sinabing madalas nang makikita sa kalye ng Lopburi ang mga unggoy na naghahabulan para makakuha ng pagkain.
Libo-libong mga unggoy din ang naninirahan sa Khmer temple. Ang isang shop owner, naisipang maglagay ng laruang ulo ng buwaya at tigre sa kaniyang tindahan bilang panakot sa mga unggoy.
Napagastos na naman ng higit 10,000 euros ang isang ginang para mabakuran ang kaniyang courtyard, at tila siya na ang nakulong sa sarili niyang tirahan.
VIDEO: Humans try to take back Thai city from monkeys
— AFP news agency (@AFP) June 25, 2020
Residents barricaded indoors, rival gang fights and no-go zones for humans. Welcome to Lopburi, an ancient Thai city overrun by monkeys super-charged on junk food, whose population is growing out of control pic.twitter.com/y8YJZMnlKH
Dahil sa mga unggoy, ilang nakaparadang sasakyan ang nasisira, nagkalat ang mga basura sa lansangan, at napuwersang magsara ang ilang mga negosyo.
Pero palala pa nang palala ang sitwasyon sa patuloy na pagdami ng populasyon ng mga unggoy.
"It affects their health when they eat human food. The more they eat, the more energy they have, and they don't know what to do with that energy so they reproduce," sabi ni Pramot Ketampai, namumuno sa Phra Kan temple.
Pinamahayan na rin ng mga unggoy ang isang abandonadong sinehan, kung saan sila nag-aaway-away para sa kanilang mga tribo.
Sinimulan na ng mga awtoridad ang pag-sterilize at pagkapon sa mga unggoy para makontrol ang kanilang populasyon. Pinaplano na rin ang isang sanktuwaryo sa labas ng siyudad na pagdadalhan sa kanila. --AFP/Jamil Santos/FRJ, GMANews