Naging malaking dagok kay Bianca Lei Dela Rosa at sa kaniyang mga kapatid nang dapuan ng COVID-19 ang kanilang amang pulis at kinalaunan ay pumanaw. Pero nagpatuloy pa ang pagsubok sa kanilang buhay nang nakuha rin niya ang virus.
Sa episode ng "Survivors" ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Bianca na pulis sa Camp Crame ang kaniyang ama at isang frontliner, na palaging nagpapaalala sa kanilang magkakapatid na panatilihin nilang ligtas at malusog ang kanilang mga sarili para makaiwas sa COVID-19.
Ngunit noong Marso 20 nang umuwi ang kaniyang ama dahil sa pabalik-balik na lagnat. Nang magpa-x-ray, nakitang may pneumonia ang ama ni Bianca kaya awtomatiko itong naging PUI at kailangang i-admit sa ospital.
Si Bianca ang nag-alaga sa kaniyang ama at nanatili sa tabi nito, at nasaksihan kung paano ito nahirapan sa sakit.
"Nakita ko po yung effect po sa kanya nung pneumonia pa lang po at that time eh. Meron po siyang dugo sa plema... Sobrang hirap na hirap po siya noon na huminga. Mahirap po na makita po siya na nahihirapan."
Matapos makumpirmang positibo sa COVID-19 ang kaniyang tatay, kinailangan na itong i-intubate.
Sa gitna nito, nakaranas na rin si Bianca ng mga sintomas ng virus.
Kinuhanan si Bianca ng swab test sa parehong araw na nakita na pumanaw na ang kaniyang ama. Sinuri din siya ng duktor at maganda ang resulta na wala siyang sakit o pneumonia nang sandaling iyon.
"Excited po akong ibalita kay Papa na wala akong sakit. Parang gusto ko pang ipagyabang na malakas ako. Pero pagdating ko sa room niya, nagse-seizure na po siya. He was fighting for his life na... Nagpe-fail na ‘yung machine. Nagpe-fail na ‘yung machine sa pag-pump sa kanya. Siguro po ‘yun na yung time na kinukuha na rin siya ni Mama," kuwento ni Bianca.
Dagdag-pasakit sa kanila na wala silang pagkakataong magdalamhati na magkakapatid sa pagkawala ng kanilang ama dahil kailangang mai-cremate agad ang bangkay nito.
Matapos nito, naging PUI na rin si Bianca.
"Hindi man lang po puwedeng mayakap man lang po sila. Naalala ko pa po noon parang hinarang pa ako ni kuya noon, e. Parang gusto niya pa ko yakapin. Kaso sabi ko po hindi puwede."
Abril 5 nang makumpirmang positibo siya sa COVID-19 at sinabihan siyang mag-self-isolate.
Hirap raw si Bianca na pagsabayin ang paglaban sa sakit, at nagdalamhati sa pagkawala ng kaniyang ama.
"'Di ko po alam kung paano or kung saan ko ba kailangan magpagaling? Kung sa sakit ba na COVID-19 o sa sakit po noong pagkawala ni Papa," ani Bianca.
Nagpositibo ulit siya sa ikalawang pagkakataon, bago tuluyang magnegatibo sa ikatlo niyang test. COVID-19 free na si Bianca noong Mayo 15.
"Para naman po doon sa mga naka-experience po noong lost ng both parents or isang parent or kung sino man pong may mahal sa buhay, parang gusto ko pong i-remind sa kanila na life doesn’t stop there, sa pagkawala ng mga mahal natin sa buhay," sabi ni Bianca.
"Tuloy-tuloy lang kung ano ‘yung pangarap nila sa atin. Kung ano ‘yung pangarap ng mga magulang natin para sa atin. Lahat ‘yun tuparin pa rin kasama na ‘yung mga kapatid mo," pagpapatuloy niya. --FRJ, GMA News