"Who you?" na ngayon ang mga basher ng isang babaeng Tiktoker na laging pinupuna noon dahil sa kaniyang pangong ilong. Pero kahit nag-iba na ang kaniyang hitsura ngayon, paalala niya, ang confidence at tunay na kagandahan ng isang tao ay makikita sa kaniyang puso at pagkatao.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, itinampok si Rubhy Ann Sanchez Gagarin, na nakilala sa Tiktok dahil sa kaniyang pagpapatawa.

Hindi naman ikinakaila ni Gagarin na ang kaniyang ilong ang isa noon sa mga unang napapansin sa kaniya.

"Mayroon talagang nangyari sa akin dati na naiyak talaga ako. Sabi ko 'Ayoko nang mag-Tiktok, ganito pala 'yung Tiktok world. Grabe talaga sila manlait," kuwento ni Gagarin.

Hindi man nakaiwas sa panunukso ng bashers, marami ring napapasaya si Gagarin sa kaniyang content, na nagsilbing daan para magkaroon siya ng TV guestings sa iba't ibang network.

Tatlong beses na rin siyang nagkaroon ng sponsored rhinoplasty, kung saan ang huli ay napanalunan niya sa contest ng isang sikat na content creator.

Pagkatapos ng surgery, marami ang napa-wow sa transformation ni Gagarin.

"Hindi na raw ako nakakatawa, nakaka-in love na raw ako," anang dalaga.

Inamin niyang nagdalawan-isip pa siya noon kung itutuloy niya ang operasyon, at nag-alala rin siya sa iisipin ng ibang tao.

"Oo totoo naman na confident na ako dati, kuntento na ako. Pero 'yung mga pagkakataon na binibigay sa atin, 'yun 'yung magiging way para mas lalo tayong maging masaya sa buhay," sabi ni Gagarin.

Kaya naman nang dumating ang alok na glow-up, hindi na niya ito pinalampas.

"Ang importante po sa lahat wala po tayong... palaging sinasabi ng ibang tao wala tayong inaapakan, wala tayong sinisiraan. As long as happy tayo sa ating mga sarili," anang Tiktoker.

Patuloy pa rin si Gagarin sa paggawa ng mga nakakatawang content, ngunit ngayon, may beauty endorsements na rin siya.

Nagpaalala naman siyang wala sa hitsura ang confidence dahil ang tunay na ganda ng tao ay makikita sa kaniyang puso at pagkatao.

"Hindi po sukatan ang pagiging maganda. Dahil dati kahit pango ako, maganda ako sabi ng Mama ko," sabi ni Gagarin.--FRJ, GMA Integrated News