Sa edad na 17, tinitingala na sa kanilang lugar sa Maguindanao si Brix Verzosa dahil ang kaniyang tangkad na 6'8."
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," marami ang namangha nang mag-viral ang larawan ni Brix habang nagpapabakuna ng panlaban sa COVID-19.
Sadya kasing pinatayo si Brix nang tuturukan na, at tumungtong sa upuan ang magbabakuna para maipakita kung gaano siya katangkad.
Dahil sa kaniyang taas, hirap daw si Brix sa pagsakay sa jeep dahil kailangan niyang yumuko. Madalas din siyang maumpog sa pintuan, at walang sapatos na nagkakasya sa kaniya.
Ayon sa ina ni Brix, normal na sanggol naman daw ang anak nang iluwal niya.
Nasa lahi rin daw talaga nila ang matatangkad dahil mga six footer ang iba nilang kaanak.
Pero dahil din sa kaniyang tangkad, hindi maiwasan na ma-bully si Brix noong bata pa siya. Kung minsan ay tinutukso raw siyang kapre, tinatawag na gunggong at bakulaw.
Ngunit sa halip na magpaapekto, ginamit ni Brix ang kaniyang tangkad para mapakinabangan--ang basketball.
Ngayon, iskolar na si Brix ng isang unibersidad matapos na may makakita sa kaniyang talento.
Nagpunta rin si Brix sa Maynila para magpasuri sa espesyalista at alamin kung mayroon bang mga posibleng kondisyon na dahilan ng kaniyang pagtangkad.
Sa inisyal na pagtingin ng duktor, posibleng wala naman daw problema kay Brix lalo pa't kung nasa lahi talaga nila ang pagiging matangkad.
Pangarap daw ni Brix na makapaglaro sa PBA at maging miyembro ng Gilas Pilipinas, tulad ng kaniyang idolo na si June Mar Fajardo.
Ang hindi alam ni Brix, makikita niya nang personal ang kaniyang idolo na may regalo pa sa kaniya.
Ang head coach na si Leo Austria, agad na may nakitang potensiyal kay Brix. Kung ano ito, tunghayan sa buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News