Tanging Diyos lamang ang ating pag-asa sa pagtuturo ng tamang direksiyon (Awit 143:4-11).
"Ikaw ang aking Diyos. Ako ay turuan na aking masunod ang iyong kalooban, ang Espiritu mo'y maging tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan" (Awit 143:10).
Ang ating buhay ay parang paglalakbay. Kung minsan sa ating 'biyahe', may mga 'madidilim' na lugar tayong madadaanan. At kung hindi nila kasama ang Panginoon na Siyang 'tanglaw' sa ating paglalakbay, malamang na 'naligaw' tayo ng landas.
Ang tao ay nawawala sa tamang direksiyon ng kanilang buhay at nakakagawa ng mga bagay na hindi kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Natatauhan lamang ang isang tao sa kaniyang mga nagawang pagkakamali at nakakapag-isip-isip kung ano ang kinahantungan ng mga pabigla-bigla niyang desisyon sa buhay.
Ito ay kapag siya ay nakararanas na ng pighati at paghihirap; kapag siya ay nag-iisa na lamang o wala na siyang karamay; at kapag wala na rin kaibigan ang gustong tumulong sa kaniya na para bang nais sabihin na: "Bahala ka na sa buhay mo."
Mababasa natin sa Aklat ng Awit (143:4-11) tungkol sa paghihinagpis ni Haring David na dumadalangin sa Panginoong Diyos dahil halos siya ay sumuko na at panghinaan ng loob tulad ng isang tuyong lupa ang diwa niyang uhaw.
Naranasan din ni Haring David ang maligaw ng landas na kagaya natin. Ito ay dahil sa likas na karupukan nating mga tao na madaling natatangay ng mga pagsubok sa buhay.
Nakagawa rin si Haring David ng mga pagkakamali sa kaniyang buhay. Natangay at nilunod siya ng mga bagay na inaalok ng mundong ito. Katulad ng kapangyarihan, salapi at tawag ng laman.
Gaya ni Haring David, kapag tayo ay nahaharap sa mga problema, kadalasan ay halos mawalan na rin tayo ng pag-asa sapagkat ang pakiramdam natin ay nag-iisa lamang tayong bumabalikat sa mga suliraning kinakaharap natin.
Ang mga taong nagpapakasasa sa kayamanan, kapangyarihan at salapi ay hindi kailanman mauunawaan ang salitang paghihirap hangga't hindi sila nadadapa at nasusugatan.
Ang mga taong bilib sa sarili ay hindi kailanman mauunawaan ang kahalagahan ng Diyos sa buhay ng tao hangga't mataas ang tingin nila sa kanilang mga sarili.
Sa panalangin ni Haring David, wala na siyang inaasahan kundi ang tulong ng Panginoon na para bang walang ibang maaaring tumulong sa kaniya kundi ang mahabaging Diyos. Kaya't nasabi niya na: "Nawala na ang lahat ng aking pag-asa. Kaya naman Yahweh, ako'y dinggin mo na."
Namumulat lamang ang isip ng tao sa kahalagahan ng Diyos at sa mga nagawa niyang pagkakamali sa buhay kapag nawala na sa kaniya ang kaniyang mga kayamanan. At kapag unti-unti na siyang nilalayuan ng kaniyang mga kaibigan at kakilala. Hanggang sa wala nang natitira sa kaniya kundi ang kaniyang sarili--at pananampalataya.
Sa pagkakataong ito, dito tayo nagsisimulang magtiwala sa Panginoong Diyos at hingin ang Kaniyang kapatawaran. Hinihingi rin natin sa Diyos na gabayan Niya tayo sa tamang direksiyon ng ating buhay upang hindi na muling maligaw ng landas at mawalan ng pag-asa.
Maraming bagay ang ating sinusubukan tulad sa isang paglalakbay na maraming direksiyon ang ating tinatahak. Subalit sa kalaunan ay tanging ang Panginoong Diyos lamang ang tamang daan at kasagutan sa mga mabibigat na pagsubok ng buhay.
Katulad ni Haring David, hindi kailanman bibiguin ng Panginoong Diyos ang sinoman na nagsisisi at nagbabalik- loob sa kaniya. Gagabayan ng Panginoon at Kaniyang iilawan ang daan ng paglalakabay ng mga taong lumalapit sa Kaniya tungo sa tamang daan ng buhay upang hindi tayo maligaw.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos. Gabayan Mo po kami sa tamang direksiyon ng buhay para huwag kaming maligaw ng landas sa paglalakbay naming ito sa ibabaw ng lupa. AMEN.
--FRJ, GMA News