Ang Diyos ay hindi basta humahatol dahil mas nangingibabaw sa Kaniya ang awa (Juan 8:1-11).
MAY isang tao ang nagsabi sa kaniyang kaibigan na: "Bakit ngayon ka lang nagbabagong-buhay kung kailan matanda ka na. Dapat ginawa mo iyan nung bata ka pa lang."
Ang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos ay walang "expiration" tulad ng isang pagkain.
Ang sinomang tao ay maaaring magbagong-buhay hangga't siya ay humihinga at nananatili ang awa ng Diyos sa sinomang makasalanan.
Sa ating Mabuting Balita (Juan 8:1-11), mababasa natin na lumapit kay Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babaeng nahuli sa pangangalunya.
Nais ng mga taong ito na magbigay ng hatol si Hesus laban sa nasabing babae nang naaayon sa Kautusan ni Moises, kung saan dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga kagaya ng babae.
Itinanong nila ito para subukin si Hesus at nang may maiparatang sila laban sa Kaniya. Sapagkat kung sasabihin ni Kristo na dapat parusahan ang babae, ang magiging paratang laban sa Kaniya ay hindi Siya marunong maawa sa mga makasalanan, kagaya ng Kaniyang ipinapangaral.
At kung sasabihin naman Niya na pakawalan ang babaeng ito, aakusahan naman si Hesus na kinokunsinte Niya ang mga makasalanan, lalo na ang isang babaeng nakikiapid o gumagawa ng imoral.
Hindi kumibo si Hesus, at sa halip ay yumuko lamang Siya. Hindi Niya pinansin ang pagtatanong mga taong nasa paligid Niya.
Hinayaan ni Kristo na sila na mismo ang humatol sa babaeng nahuli sa pangangalunya. Kung sa tingin nila ay wala silang kasalanan at mas malinis ang kanilang pagkatao kaysa sa taong pinaparatangan nila.
Para sa atin marahil, marami ang mag-iisip na hindi dapat kahabagan ang mga makasalanan katulad ng babaeng nakikiapid. Dahil ang tingin natin sa kanila ay kailangan silang parusahan para pagbayaran ang kanilang kasalanan.
Ang tingin kasi natin sa mga makasalanan ay walang puwang sa mundo at salot ng lipunan. Samantalang ang tingin naman natin sa ating mga sarili ay mga matuwid kaya madali tayong humusga ng ating kapuwa.
Subalit ang habag at awa ng ating Panginoon ay nakahanda Niyang ibigay anomang oras para sa lahat ng mga makasalanan na nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kaniya.
Ang taong makasalanan ay katulad ng isang taong nadapa. Pero sa halip na siya ay tulungan nating makabangon, lalo pa natin siyang inilulugmok at ibinabaon.
Subalit hindi ang Panginoon. Ang mga taong nadapa sa kasalanan ay tutulungan niyang makabangon. Binibigyan Niya ng pag-asa upang maisaayos ang kaniyang nasirang buhay dahil sa kaniyang pagkakamali.
Hindi solusyon para sa Panginoon ang paghahatol para sa mga nagkakasala. Nauunawaan ng Diyos na marupok ang tao kaya tayo nagkakamali. Nauunawaan ng Diyos ang ating kahinaan kaya tayo nadadapa, at lagi Siyang nandiyan upang tulungan tayong bumangon.
Manalangin Tayo: Nagpapasalamat po kami Panginoon sa pagbibigay sa amin ng pag-asa at pagkakataon para mapagsisihan namin ang aming mga pagkakasala. Nawa'y matutunan namin ang huwag basta humatol sa aming kapuwa at sa halip, tulad Mo ay umiral nawa sa amin ang pag-ibig at pang-unawa. AMEN.
--FRJ, GMA News