Sa loob ng 27 na taon, ang dagat ang naging buhay ng 54-anyos na si Ely Feria bilang isang seaman. Pero nang mapurnada ang muli sana niyang pagsampa ng barko dahil sa COVID-19 pandemic, sa negosyong may lupa siya nakabangon at nakabawi.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing malaki ang naging pagbabago sa buhay ng pamilya ni Mang Ely nang matigil siya sa pagtatrabaho bilang seaman kung saan umaabot na ang kita niya noon sa P180,000 bawat buwan.
Nang magtapos ang kaniyang kontrata noong 2018, sandali siyang nagpahinga at nakatakda na sanang sumampa muli sa barko ngayong taon hindi na ito natuloy dahil sa krisis na dulot ng pandemiya.
"Malaki ang kawalan talaga ng finances. Mahirap mag-adjust, lalo 'yung mga bata nasanay silang kung may gusto sila maibibigay namin," saad niya. "Sabi namin tiis-tiis lang kayo dahil wala na akong trabaho sa barko."
May maliit namang negosyo ang asawa niyang si Shiela na computer shop at bilyaran pero naapektuhan din dahil sa lockdown.
Pero sa halip na tuluyang panghinaan ng loob, nag-isip sila ng ibang mapagkakakitaan at binalikan ni Mang Ely ang dating hilig niya sa halaman.
Nagsimula muna si Mang Ely sa paggawa ng mga paso na kanilang ibinebenta hanggang sa kinalaunan ay nagtanim na siya ng mga halaman.
"Sabi ko sa kaniya what if i-pursue natin yung noon-noong pang plano mo na gusto mong magkaroon ka ng garden?" sabi ni Shiela. "Magtatanim, magbebenta tayo ng mga halaman na 'yan, siguro it's about time na ito ay ituloy natin."
Naging matagumpay naman na "plantito" si Mang Ely dahil kahit anong halaman daw ang itanim nito sa kanilang bakuran ay nabubuhay.
Nagsimula ang mag-asawa sa kapital na P5,000 hanggang sa mapalago nila sa P120,000 sa loob lang ng tatlong buwan.
Ang pandemic na sumubok sa kanilang buhay, ngayon ay naging daan pa upang patuloy na makasama ni Mang Ely ang kaniyang pamilya.
"Sa aming pamilya blessings talaga dahil sama-sama kami tapos na-ano na 'tong paghahalaman ko. Maski papaano kumikita," sabi ni Ely.
Umaasa naman si Shiela na maging inspirasyon sana sila sa mga ibang nahihirapan din sa kabuhayan ngayong may pandemic.
"Wag tayong magpakalugmok dito kundi gumawa tayo ng paraan," payo niya.—FRJ, GMA News