Bagama't nakukuha ang coronavirus sa pamamagitan ng human-to-human transmission, pinag-iingat pa rin ang publiko mula sa mga bagay na kadalasang hinahawakan o ginagamit ng tao, tulad ng mesa, sofa, door knob at hand railing.

Sa programang "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Dr. Endymion Tan, Infectious Disease Specialist, na "obligate parasites" ang mga virus na kapag nasa labas na ng katawan ng tao ay hindi na tatagal ang buhay sa labas dahil wala na sila sa kanilang "host."

Gayunman, kailangan pa rin daw na mag-ingat dahil bagong virus ang coronavirus disease 2019 o COVID-19 , at hindi matiyak kung gaano ito katagal nabubuhay sa labas ng "host" o kung dumapo sa iba't ibang bagay o surface area.

Paliwanag ni Tan, maaaring maiwan ang virus sa mga surface area sa pamamagitan ng "droplets" ng infected na tao tulad sa pagbahing o pag-ubo.

Nilinaw din niya na hindi totoo na mas tumatagal ang virus sa mga bakal kaysa mga plastic. Kaya mas makabubuti umano na magsagawa pa rin ng disinfection sa mga lugar.

Dahil hindi naman maiiwasang humawak ang mga tao sa mga door knob at railings, mainam pa rin ang palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon, at alcohol na 70% ang "strength."

Panoorin ang video para sa buong talakayan sa naturang usapin. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News