Nang sumiklab ang Battle of Manila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging saksi sa isa sa mga pinakamadugo at madilim na kasaysayan ng Pilipinas ang Manila Hotel.
Ang isa sa mga importanteng tao ng giyera na si General Douglas MacArthur, may mahalagang papel sa nakaraan ng hotel. Nasa ilalim noon ng gobyernong Commonwealth ni Pangulong Manuel L. Quezon ang Pilipinas nang makiusap siya kay General MacArthur na maging military adviser ng binubuo pa lamang noon na Philippine military.
Nagbigay ng dalawang kondisyon si MacArthur. Ayon kay Associate Professor Dr. Augusto De Viana ng UST Department of History, hiniling ng heneral na maging kasingtaas ang kaniyang suweldo ang suweldo ni Quezon, at magkaroon din siya ng living quarters na kasinggarbo rin ng sa Pangulo ng Pilipinas.
Gayunman, naisip ng Executive Secretary ni Quezon na si Jorge Vargas na maging tirahan ni MacArthur ang penthouse ng Manila Hotel. Kaya naman itinalaga si MacArthur na Honorary General Manager ng hotel, at dito na rin inilagay ang mga paborito niyang libro at koleksyong medalya.
Naging tirahan ni MacArthur ang Manila Hotel ng anim na taon, kasama ang asawang si Jean at anak na si Arthur MacArthur IV.
Hulyo 27, 1941 nang makatanggap si MacArthur ng telegrama mula kay Presidente Franklin Roosevelt ng Amerika na pinababalik siya sa active duty dahil nagsimula na ang giyera.
Hindi inasahan ni MacArthur na limang buwan pagkatapos nito, aatakihin ng mga Hapon ang Maynila, kung saan isa sa kanilang mga target ang Manila Hotel na kaniyang naging tirahan.
Sumiklab ang giyera, kung saan nasakop ng mga Hapon ang Manila Hotel, na pilit namang binawi ng mga Amerikano. Ayon kay De Viana, room to room ang naging labanan ng dalawang panig at naging madulas ang mga sahig dahil sa pagdanak ng dugo.
Panoorin ang kuwentong "Brigada" ni General MacArthur at ang naiwan niyang alaala sa Manila Hotel sa "Manila Hotel: Piping Saksi ng Digmaan" ni Mav Gonzales.
—Jamil Santos/LBG, GMA News