Ilang lalawigan sa Luzon at Visayas ang nakaranas ng pagbaha, landslide, at brownout na dulot ng hagupit ng bagyong "Enteng" nitong Lunes.

Camarines Sur

Sa Facebook post ng GMA Regional TV News, nakasaad na sinagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) ang ilang tao na na-stranded sa baha sa Naga City.

Ang baha naman sa Minalabac National High School, umabot hanggang sa bintana ng mga silid-aralan.

WALANG PASOK: Mga suspendidong klase sa Lunes, September 2, 2024

Umapaw din ang Bicol River dahil sa malakas na ulan, at binaha ang ilang barangay.

Napinsala naman ang riprap sa San Juan-San Lorenzo Bridge kaya isinara ang daan para sa mga heavy vehicle.

Camarines Norte

Bukod sa pagbaha sa iba't ibang lugar, iniulat ng pamahalaang panlalawigan na isang linya sa tulay ng Maharlika Highway ang isinara matapos na gumuho ang bahagi nito.

Sorsogon

Dalawang tauhan naman ng Sorsogon II Electric Cooperative (SORECO II) ang nakitang nagkukumpuni ng linya ng kuryente na napinsala dahil sa malakas na hangin at ulan na dulot ni Enteng.

Cebu

Isa naman ang nasawi nang matabunan ng lupa ang ilang bahay sa Cebu City at lima ang nasaktan.

Northern Samar

Binaha ang ilang kalsada sa Northern Samar, at masusing binantayan ng pamahalaang panlalawigan ang sitwasyon sa mga ilog at tulay.

Rizal

Halos umapaw na ang isang ilog sa Montalban, Rizal dahil sa malakas na ulan. Ilang kabahayan ang pinasok din ng makapal na putik, at may 87 pamilya ang inilikas.

Sa Antipolo, ilang pamilya ang na i-stranded sa bubungan ng kanilang mga bahay ang nanawagan ng rescue.

 Ilang kalsada ang hindi nadaanan sa San Mateo dahil sa mataas na baha.

Dakong 2:22 p.m. nang ianunsyo ni Antipolo Mayor Jun Ynares na nadadaanan na ang mga sumusunod na kalsada:

    SM Masinag (westbound), Marcos Highway
    Lopezville
    Vermont Park, Marcos Highway
    Kingsville III Subdivision, Marcos Highway
    St. Therese of the Child Jesus Parish, Marcos Highway
    V.V. Soliven, Sumulong Highway
    Antipolo-Teresa National Road (Dalig National High School area)
    Circumferential Road cor. Gen. Luna St. (PLDT area)
    SM Cherry, Marcos Highway
    M.L. Quezon Extension
    Piedra Blanca/Puting Bato, Marcos Highway
    NHA Avenue
    Seminaryo (Inarawan), Marcos Highway
    Bayugo-Buliran Road
    C. Lawis St. cor. Circumferential Road

One lane passable:  Town and Country, Marcos Highway

Two lanes passable:  Filinvest Homes East, Marcos Highway

Hindi naman kaagad madaanan ang:

    Sitio Hinapao going to Daang Pari
    Sitio Binayoyo
    Sitio Pulang Panyo
     Broadway Pines

Cavite

Nagdulot din ng pagbigat ng daloy ng trapiko ang baha sa Bacoor City na patungong Longos at CAVITEX.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa siyam na lugar sa Luzon habang magla-landfall si Enteng sa Isabela o Cagayan sa Lunes ng hapon o  gabi, ayon sa state weather bureau na PAGASA.

May dalawang tao ang iniulat na nasawi at 10 ang nasaktan sa Central Visayas dahil sa bagyo, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.

Dahil sa bagyo, sinuspinde ang mga klase sa maraming lugar, kabilang na ang Metro Manila.—mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News