Isang Philippine Cobra na may habang 1.5 metro ang natagpuan sa bakuran ng bahay ng isang residente sa Barangay San Felipe, Naga City, Camarines Sur.
Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV, sinabing natagpuan ding putol ang buntot ng ahas.
Agad namang rumesponde sa lugar ang mga taga-Naga City Environment and Natural Resources Office (ENRO) para sagipin ang cobra.
Ayon kay Alex San Jose, Chief ng Watershed Management Division ng Naga City ENRO, nagbibigay ng angkop na tirahan para sa mga ahas ang lugar, kaya mas napapadalas ang mga engkwentro rito.
Ngayong paparating ang tag-ulan, inaasahan ng ENRO na mas marami pang makikitang ahas dahil nagagambala ng tubig-baha ang kanilang mga tirahan.
Pinayuhan ni San Jose ang publiko na huwag tangkaing patayin, saktan, o manghuli ng ahas, lalo kung wala silang karanasan. Sa halip, obserbahan kung saan ito nagpupunta at mag-ulat sa kanilang opisina.
Inihabilin na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Camarines Sur ang nahuling cobra para sa tamang pag-aalaga. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News