Ginahasa ng driver at konduktor sa loob ng puting van ang isang 19-anyos na babae na kanilang pasahero.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nanggaling ang biktima sa Maynila at sumakay sa van kasama ang iba pang pasahero na patungong Surigao del Sur.
Nang magbabaan na ang ibang pasahero, naiwan na lang mag-isa ang biktima pagsapit sa Carrascal dahil sa Tandag pa ang kaniyang destinasyon.
Sinabi ng biktima sa pulisya na tumigil ang van sa isang convenience store para umuno kumuha ng pasahero. Pero sa halip, may alak na dala ang driver at konduktor pagbalik.
Nang maubos umano ang alak, doon na itinali ng mga suspek ang kamay ng biktima at pinagsamantalahan.
Matapos ang panggagahasa, iniikot umano ang biktima bago iniwan sa isang terminal sa Claver, Surigao del Norte kung saan nakapagsumbong sa awtoridad ang babae.
Naaresto naman kinalaunan ang mga suspek nang mahanap ang van na iniwan sa isang talyer habang nag-check-in sa isang lodging house ang dalawa.
Idinahilan ng isang suspek na nadala lang sila ng impluwensiya ng alak at kapusukan. Humingi sila ng tawad sa biktima.
Kasong rape ang kakaharapin ng mga suspek na kinilalang sina Tonton Enopia at Don Clemente Paje.— FRJ, GMA Integrated News