Naging “easy catch” para sa ilang residente at turista ang paglipana at pagtalon ng sangkaterbang isdang turay sa kanilang paglangoy sa isang beach resort sa Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang pagsulputan ng sandamakmak na turay sa mababaw na parte ng dagat na tila nakisabay sa pag-e-enjoy ng mga tao.
Halos mag-unahan naman ang ilang tao sa lugar, na hindi nag-atubiling kumuha ng sangkaterbang turay na napadpad sa baybayin ng naturang resort.
Naging madali sa mga residente at turista ang pagkuha sa mga isda kaya kahit gabi at madilim, dumagsa sila upang mamakyaw ng mga isda.
Itinuturing nilang biyaya sa kanila ng dagat ang pagdagsa ng mga isdang turay noong mga sandaling iyon.
“Nabigla po kaming lahat kasi noong time na ‘yun, nagvi-video po ako ng nangingisda roon sa may bangka. Tapos akala namin noong una, mga dilis lang ‘yung tumatalon doon sa may mababaw na dagat,” sabi ni Jhunave Boreta.
Diretso ihaw na ang ilang turistang nakikuha ng mga isda sa dagat.
Sinabi ng BFAR Bicol na may iba’t ibang dahilan umano ng pagdagsa ng mga isdang turay sa naturang baybayin ng resort.
“It could be na may mga pagbabago sa environmental conditions like high temperature, small amount of oxygen sa tubig or wave directions. Posible rin po na it’s because na ‘yung food source nila is near the area,” sabi ni Wheng Bricia-Briones, spokesperson ng BFAR Bicol.
Peak season din umano ng naturang isda kaya posibleng maulit ang insidente sa mga susunod na buwan. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News