Sa kulungan ang bagsak ng isang jeepney driver matapos kaskaserong magmaneho umano habang lasing sa Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa Saksi, inilahad ng isa sa mga pasahero na sa una, mabagal lamang ang andar ng jeep galing sa Calabanga at papuntang Naga City.
Ngunit kalaunan, binilisan na ng driver ang kaniyang pagmamaneho.
Maririnig ang ilang pasahero na sumisigaw ng “Para po!” at “Lampas na ako” dahil sa mabilis na takbo ng driver.
Napalipat naman sa likod ang lalaking pasaherong katabi ng driver dahil din sa takot.
Tumigil ang driver sa tapat ng isang chapel, at doon na nagsibabaan ang mga pasahero.
Rumesponde ang pulisya at natuklasang nakatulog sa kalsada ang driver pagkababa ng jeep dahil sa kalasingan.
Tiniketan na ang driver para sa reckless driving.
Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa LTO at LTFRB para sa karampatang aksiyon. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News