Tumataginting na mahigit P140,000 ang naitabi ng isang mag-asawa sa Zamboanga City matapos silang mag-ipon gamit ang malaking plastic na bote ng tubig mula pa noong magsimula ang pandemya.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Saksi, maririnig ang malutong na tunog ng mga perang papel at kumakalansing na mga barya matapos buksan ng mag-asawa ang plastic na bote ng tubig na ginawa nilang alkansiya.
Ang naipong pera ng mag-asawa ay bunga ng pagsisikap nila sa pagtatrabaho sa hardware store at sa sarili nilang tindahan.
Malaking tulong sa kanilang pamilya kasama ang kanilang tatlong anak ang naipon nilang P140,000.
Payo ng mag-asawa sa mga planong mag-ipon na "start small." —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News