Isa ang sugatan nang mauwi sa disgrasya ang umano'y karera ng dalawang kotse sa bypass road sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Martes, makikita sa video na humaharurot na tila nagkakarera ang isang puting kotse at isang pulang kotse.

Pero bilang bumangga ang pulang kotse sa isang kulay berdeng kotse na nakatigil sa gilid ng kalsada.

Nasugatan ang driver ng pulang kotse at kinailangang isugod sa ospital.

Ayon sa security guard na si Christian Pedida, may nadinig silang pumutok na gulong at nakita nila na hinatak na ang berdeng kotse na nabangga.

Nagkaayos na umano ang magkabilang panig sa dalawang kotse na sangkot sa banggaan.

Hinahanap naman ng mga awtoridad ang driver ng kotseng puti na nakita sa video na kasabay sa pagharurot ng pulang kotse.

Sinabi ng Public Order and Safety Office ng lungsod, may ordinansa na bawal ang ilegal na karera ng mga sasakyan sa bypass road. --FRJ, GMA Integrated News