Umani ng papuri sa netizens ang tatlong estudyante sa Lipa City, Batangas matapos nilang hanapin para maisauli sa may-ari ang wallet na napulot nila sa bangketa.
Sa ulat ni Denise Abante sa Mornings with GMA Regional TV nitong Martes, nakilala ang tatlong menor de edad na estudyante na sina Carl Marquez, Cedric Aberia at Hans Teodosio.
Ipinost ng 26-anyos na si Lester Ducay, may-ari ng wallet, ang larawan na kasama niya ang tatlong good boys ng Lipa City.
Ayon kay Ducay, bibili sana siya ng ulam sa isang kainan na kaniyang nadaanan nang mapansin niya na wala na ang wallet niya sa bulsa.
"Pambayad ko po talaga y'on ng utang kaya dala-dala ko ko, hindi ko lang po agad naibayad kahapon sa pagbabayaran ko gawa nang wala po akong barya. Eh bibili lang po sana ako ng ulam akala ko dala ko yung wallet, wala pala sa bulsa ko, " kuwento ni Ducay.
Sa kuha ng CCTV camera na nasa labas ng kainan, nahagip ang pagdaan ni Lester. Makikita rin na nahulog ang wallet mula sa kaniyang bulsa.
Pagkalipas ng ilang minuto, dumating naman ang tatlong estudyante at nakita nila ang wallet sa bangketa.
Pinulot nila ang wallet at tiningnan ang loob nito. Lumingon-lingon din ang tatlo na tila may hinahanap bago pumasok sa kainan upang ipaalam ang tungkol sa napulot nilang wallet.
"Isauli po sa may-ari kasi sayang din naman po kasi kung mawawalan, pinaghirapan din kasi 'yon," sabi ni Carl.
Ayon naman kay Cedric, nakita niya na may CCTV sa labas ng tindahan kaya doon nila dinala ang wallet dahil baka bumili doon ang may-ari.
Sinabi naman ni Hans, na hindi nila pinag-interesan ang wallet dahil na rin sa turo ng kanila ng kanilang mga magulang tungkol sa kabutihang-asal.
Ayon sa tauhan sa kainan na si Julie Katigbak, natuwa sila sa tatlong estudyante dahil nakita nilang bukas sa kalooban ng mga ito na isauli ang wallet.
Tinawagan daw nila ang numero na nasa wallet pero walang sumasagot. Pero makalipas ng ilang oras, bumalik sa lugar si Ducay kaya nakuha na niya ang wallet at nakita ang tatlong estudyante.
"Malaking pasasalamat gawa nang lahat ng mga ID ko nandoon sa wallet. Kung iba pa ang nakapulot noon [baka 'di na isauli] ay 'di marami pa akong asikasuhin. Abala pa rin po, kaya napakalaking pasasalamat po sa mga nagbalik," sabi ni Ducay. --FRJ, GMA Integrated News