Dalawa katao ang sugatan nang araruhin ng isang SUV ang 17 sasakyan sa Naga City, Camarines Sur. Ang suspek na driver, tinangka pang takasan ang mga rumespondeng pulis.
Sa ulat ni Cris Novelo ng Balitang Bicolandia sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes na malapit sa Naga Metropolitan Cathedral.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, apat na nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada ang unang binangga ng suspek.
Kaagad na rumesponde ang mga pulis pero muling humarurot ang SUV.
Ngunit, hindi pa siya nakalalayo, 13 pang sasakyan ang nabangga niya.
Dito na siya naaresto ng mga awtoridad.
Hinihinala na nakainom ang suspek dahil sa amoy alak umano ito.
“Lahat ng naka-park doon inararo nitong Montero. Mayroong single motorcycle, may tricycle, mayroong mga four wheel,” ayon kay Naga City Police Office Spokesperson Police Senior Master Sergeant Tobias Bongon.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Damage to Property and Injuries. --FRJ, GMA Integrated News