Dahil hindi na raw kinaya ang gutom, lumabas mula sa pinagtataguan at sumuko ang ikatlong suspek sa pagpatay at panggagahasa sa isang 14-anyos na babae sa Jose Panganiban, Camarines Norte.
Sa ulat ni Hazel Alviar sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, sinabi na ang amain ang nagsuko sa pulisya sa suspek na itinago sa alyas na "Tamtam," 16-anyos.
Sa Tamtam ang pangatlong suspek na naaresto kaugnay sa malagim na sinapit ng dalagitang biktima na nakita ang naagnas na bangkay sa kabundukan ng Barangay South Poblacion noong Hunyo 1.
Nauna nang nahuli ang dalawang suspek na menor de edad din ang isa, at 19-anyos naman ang isa pa.
Sa salaysay ng amain sa pulisya, sinabi nito na umuwi pa sa kanilang bahay si Tamtam bago natuklasan ang bangkay ng biktima.
Pero umalis din muli ito kaya hindi na inabutan ng mga pulis nang nagtungo sa kanilang bahay.
Bumaba na lang daw ang suspek mula sa pinagtataguan dahil hindi na kinaya ang naramdamang gutom.
Ilalagay ang dalawang menor de edad na suspek sa Bahay-Pag-asa, habang nakadetine naman sa himpilan ng pulisya ang 19-anyos na suspek.
Sa kabila ng pagkakaaresto sa tatlong suspek at ikinukonsidera na ng pulisya na nalutas na ang krimen, hindi pa rin naaalis ang sakit na nararamdaman ng kaanak ng biktima.
"Anong kasalanan ng bata sa kanila? Napakabata, 14-anyos. Hindi gawa ng tao yung ginawa nila," hinanakit ng lola ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News