Kakasuhan umano ng pulisya ang dalawang ginang na nagpaluan ng plastic bottle, magsipaan at magsigawan sa loob ng isang pampasaherong jeepney sa Cebu City. Ang isa raw sa pinagtalunan ng dalawa-- ang isyu sa bigas.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa GMA News Feed, mapapanood ang paninipa ng isa sa mga ginang.
Mapapanood pa sa video na itinapon din palabas ng jeep ang bag ng isa sa mga ginang.
Nagpatuloy ang dalawang ginang sa bangayan kahit inaawat na sila ng babaeng konduktor. At kahit umaandar ang sasakyan, hindi pa rin sila tumigil sa pagsagutan.
Base sa video, isyu sa bigas ang isa sa mga pinag-awayan ng mga ginang, na nagkainitan matapos magparinig ang isa sa kanila.
Panay ang pakiusap ng mga konduktor dahil nakaaabala na ang mga ginang sa mga pasahero.
Walang nagsampa ng reklamo sa magkabilang panig ngunit nakarating sa Cebu City Police ang pangyayari.
Ang pulisya ang mismong magsasampa ng kaso laban sa mga ginang.
"Lahat ng mga involved sa gulo na iyon ay hindi namin pinapalagpas. Kahit nagkakaroon na kayo ng reconciliation sa isa’t isa, ayaw ninyo nang mag-file ng kaso pero ang ginagawa namin, iyong pulis mismo ang mag-file ng kaso sa inyo at kakasuhan kayo ng alarm and scandal.” sabi ni Police Colonel Ireneo Dalogdog, Director ng CCPO.
Hindi kinumpirma ng pulisya kung nahanap na nila ang dalawang ginang sa viral video.
Wala rin silang inilabas na impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng mga nila.
Payo ng pulisya, iwasan ang gulo lalo sa pampublikong lugar.--FRJ, GMA Integrated News