Pinatunayan ng isang aso ang kaniyang pagiging “man’s best friend” nang siya ang magbantay ng mga tindang tinapa at magsilbing inspirasyon ng kaniyang among PWD sa Baler, Aurora.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ng Saksi, sinabing hindi kuntentong manatili sa bahay ang Aspin na si Ruru kaya nagbabantay din siya sa tindahan.
Patok sa social media ang pitong buwang gulang na si Ruru, na araw-araw kasama ng kaniyang fur dad na si Roy Acdal sa pagtitinda sa palengke.
Si Ruru ang magbabantay sa kanilang itinitinda sa tuwing bumibili si Roy ng ulam.
Unang beses lamang mag-alaga ng aso ni Roy, kung saan marami pa ang tumutol noon nang alagaan niya si Ruru.
“Mag-isa lang din ako sa buhay. Tinatanong nila kung paano ko aalagaan, maaalagaan ko ba. Kasi nasa palengke ako, siyempre maraming tao na nagwo-worry sila kung kaya ko ba,” sabi ni Roy.
Pinanindigan ni Roy ang kanilang “furever” bond, dahil si Ruru ang kaniyang nagsisilbing lakas at inspirasyon. —LBG, GMA Integrated News