Nasawi ang isang 60-anyos na lola matapos siyang matuklaw umano ng isang king cobra sa President Roxas, Cotabato.
Sa Born to be Wild, na iniulat din sa Public Affairs Exclusives, kinilala ang biktima na si Merlyn Apistar Baylon.
"Bumalik siya roon sa bahay dahil manghihiram ng lighter kasi magluluto siya. Wala pang isang oras, sumigaw na siya. Lumabas ako sa bahay, tinanong siya kung ano'ng nangyari. Sabi niya kagat daw ng ahas," kuwento ni Marilyn Agravante, kaibigan ng biktima.
"Tumakbo ako sa kaniya papunta rito. Nakita ko na siya sa labas ng bahay tinataas niya ang pantalon niya, dugo na rito," dagdag ni Agravante.
Dahil dito, isinugod si Lola Merlyn sa isang mananandok pero na-comatose ang ginang kaya dinala na siya sa ospital.
Kalaunan, pumanaw si Lola Merlyn, habang patay patay din ang ahas na nakatuklaw sa kaniya.
Wala pang anti-venom sa king cobra kaya nagdagdagan ang takot ng mga taga-President Roxas.
Katunaynan, pugad pa nga ng mga king cobra ang isang coconut farm sa lugar.
Itinuturing na hari ang mga king cobra dahil kapwa mga ahas ang kanilang kinakain.
Kayang pumatay ng tao ang kamandag ng king cobra sa loob lamang ng isang minuto, at ang king cobra rin ang pinakamahabang venomous snake sa buong mundo.
Sa Arakan, Cotabato naman, 100 king cobra na ang naihahabilin ng mga magsasaka sa lokal na pamahalaan.
Nagbibigay ng kaunting kapalit ang LGU sa mga nahuhuling king cobra, pero sinabi ng epartment of Environment and Natural Resources (DENR) na ipinagbabawal ito sa ilalim ng batas. —LBG, GMA Integrated News