Inabutan ng mga rumespondeng awtoridad ang isang pulis na pinagbabaril at inilagay sa compartment ng kaniyang sasakyan sa Ilocos Norte. Ang biktima, nasawi.

 

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, nakikilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Jackson Raymundo, isang Intelligence Officer ng Dingras Police Station.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang babae na umano’y nagtatago sa Barangay Guerrero at sinabing may mga bumaril kay Raymundo.

Agad na pinuntahan ng mga awtoridad ang crime scene at doon nakita ang sasakyan ng biktima na tadtad ng tama ng bala.

Tumambad sa mga pulis ang duguang katawan ni Raymundo na nasa compartment ng sasakyan. 

Isinugod sa ospital ang biktima at doon binawian ng buhay habang ginagamot.

Sabi ng mga kaanak ng biktima, wala silang alam na nakaalitan o banta sa buhay ni Raymundo.

Patuloy na nagsisiyasat ang awtoridad sa nangyaring krimen.

“As of this time, titingnan natin kung job-related or another angle. In the process of investigation and elimination pa kami. ‘Yung misis niya, thru phone call, nag-usap naman kami, wala naman siyang nababanggit na ganoong mga threat or whatsoever,” ayon sa hepe ng Dingras Police Station Police na si Major Julius Basallo. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News