Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang isang emplyado nito na nahuli-cam na magpapa-rebond ng buhok habang nasa trabaho sa Dipolog District Office.

Sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo DZBB nitong Biyernes, sinabi ni LTO Region 9 Director Atty. Aminola Abaton, na pinatawan ng limang araw na temporary suspension ang naturang kawani habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nag-viral ang video ng empleyado sa social media, nagmistulang parlor ang tanggapan ng LTO-Dipolog District Office dahil sa ginawa niyang pagpapa-rebond.

 

 

Malinaw daw itong paglabag sa civil service rules dahil ginawa ng empleyado ang mga personal na bagay habang naka-duty, ayon kay Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada.

Posible rin daw itong paglabag sa IATF guidelines sa hindi pagsusuot ng empleyado ng face mask.

Umapela si Lizada na gawin ng tama ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang trabaho sa gitna ng COVID-19 pandemic.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News