Patay ang isang 11-taong-gulang na babae matapos siyang dukutin at sakalin gamit ng sintas ng sapatos ng dalawang lalaking nakadroga umano sa Angeles City, Pampanga. Ang isa sa mga suspek, siya pang nagturo sa mga awtoridad tungkol sa bangkay ng biktima.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Tricia Mae Santos, na natagpuan sa isang inabandonang bahay habang nakapalupot pa ang sintas ng sapatos sa kaniyang leeg.
Naaresto naman ang mga suspek na sina Rafael Gosila at Joverelyn San Pedro.
Si Gosila pa raw mismo ang nagreport sa mga awtoridad tungkol sa bangkay ng bata sa lugar pero kaagad silang inaresto sa tulong ng saksi.
Lumalabas umano sa imbestigasyon ng pulisya na napagtripan lang nina Gosila at San Pedro na dukutin at patayin ang biktima.
Dati nang nakulong dahil sa droga si Gosila, samantalang itinanggi naman ni San Pedro na dawit siya sa krimen.
Haharapin ng mga suspek ang reklamong murder, habang hinahanap ang isa pang suspek.
Aalamin din ng mga awtoridad kung pinagsamantalahan ang biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News