Sinalakay ng mga awtoridad ang 402nd Maritime Police Station sa Barangay Hulugan, Tanza, Cavite nitong Biyernes para arestuhin ang hepe nito dahil sa umano'y pangongotong sa mga mangingisda sa lugar.
Sa ulat ni Chino Gaston sa "24 Oras," nasabing dinakip ng mga tauhan ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) ang kabaro nilang si Police Superintendent Armandy Dimabuyu, na katatapos lang tanggapin umano ang pera mula sa isang mangingisda.
"Hiningan sila ng pera in the amount of P18,000 para du'n sa chief lang nila 'yon. Puwera pa 'yun doon sa ibang personnel na dumidiretso sa iba't-ibang operators ng bangka du'n sa Tanza, Cavite," sabi ni CITF chief Senior Superintendent Rome Caramat.
Dagdag niya, "It's either protection money or kung anu pa man 'yan, he has no reason na hingian ang mga bangka operators."
Kuwento naman ni "Roman," na isa sa mga nagsumbong na mangingisda, kompleto naman daw sila sa permit mula sa Maritime Industry Authority (Marina) at sumusunod naman daw sa patakaran ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) pero hinihingan pa rin sila.
Pero wala na raw silang nagawa kung hindi magbayad para hindi maabala ang kanilang kabuhayan.
"Sa kinsenas, sa katapusan, kinukuha sa amin. Kinsenas kinukuha sa amin tig-P1,000 bawat bangka. Madami kaming bangka," ani Roman.
Itinanggi naman ni Dimabuyu ang mga paratang laban sa kaniya at idinahilan na marami sa mga nagrereklamo ay mga dati na nilang nahuli dahil sa paglabag sa Fisheries Code.
Hindi rin daw niya alam na pera ang inaabot sa kaniya nang maaktuhan siya ng mga tauhan ng CITF.
"'Walang hinihingi sa kanilang ganoon. Ewan ko kung ano ang inaabot nila...'Yung mga fish net, bawal, tapos malapit sila sa shore sa pangingisda, bawal din 'yun, kasi nasisira 'yung mga corals," sabi ni Dimabuyu.
Dinala sa CITF headquarters sa Camp Crame si Dimabuyu at nakatakda siyang sampahan ng reklamong robbery extortion at grave misconduct.
Pinalitan na rin ang 12 miyembro ng team ni Dimabuyu ng miyembro ng PNP Maritime Group Special Operation Unit 3-- FRJ, GMA News