Tatlong magkakamag-anak sa Luisiana, Laguna ang namatay matapos uminom at maglasing sa lambanog nang apat na araw.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkoles, sinabing nagsuka, dumumi ng dugo at namatay sa ospital ang mag-live in partner na sina Michelle Faustino at Roland Gradia, at ang tiyahin nilang si Sonia Gradia.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, apat na araw umanong nag-inuman ng lambanog ang mga biktima kasama ang kanilang mga kaibigan.

Sa death certificate nina Faustino at Gradia, lumabas na labis na pag-inom ng alak ang dahilan ng kanilang pagkamatay.

Pero si Sonia, sinasabing nalason sa alak.

Ipinasuri na ng mga pulis ang ininom na lambanog ng mga biktima at hinahanap ang pinagbilhan ng alak.-- FRJ, GMA News