Wala nang buhay at palutang-lutang sa ilog nang matagpuan ang isang 14-anyos na babae sa Bukidnon, na huling nakitang naglalaba ng mga damit. Hinala ng pulisya, pinaslang ang biktima at hindi basta nalunod.

Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Rachell Jane Lobo, na nakitang patay sa ilog ng Barangay San Miguel sa Manolo Fortich ng nasabing probinsya.

Sabado umano nang huling nakita si Lobo na naglalaba pero hindi na siya makauwi ng bahay.

Nang maghanap ang kaniyang mga magulang kinabukasan, nakita ang kaniyang bangkay na lumulutang sa ilog.

Lumalabas sa autopsy report ng Scene of the Crime Operatives na hindi nalunod ang biktima, kung hindi nagtamo ng head traumatic injury, na indikasyon na may tumamang matigas na bagay sa kaniyang ulo.

May nakita ring pasa sa katawan ng dalagita.

Pero paglilinaw ng pulisya, hindi ginahasa ang biktima batay sa resulta ng isinagawang pag-awtopsiya sa bangkay.

"Walang rape na nangyari sir, intact pa 'yung kaniyang hymen. Maski engage, hindi siya naki-engage sa pre-marital sex," sabi ni PO3 Ryan Ganados, imbestigador ng Manolo Fortich Police Station.

Mayroon nang person of interest ang pulisya, at patuloy nilang iniimbestigahan ang posibleng dahilan ng pagpaslang sa biktima.

Nanawagan naman ng hustisya ang pamilya ni Lobo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News