Nauwi sa trahediya ang ayaan ng mga magkakaklase na magpunta sa isang ilog sa Nueva Ecija dahil half day lang ang klase sa kanilang paaralan. Sa Surigao del Norte naman, isang limang-taong-gulang na bata ang nalunod sa swimming pool.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nasawi ang magkaklase na sina Rochelle Mae Balingit, 13-anyos, at Melane Dawaton, 12-anyos, matapos malunod sa Gapan-PeƱaranda river sa Nueva Ecija nitong Biyernes.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang nakaligtas nilang kaklase na si Rica Mae Santiago.
Hindi raw alam ng mga magulang ng mga bata na nagpunta sa ilog ang kanilang mga anak dahil may klase nang araw na mangyari ang insidente.
Kuwento ng isang kaklase ng mga biktima, sampu silang nagpunta sa ilog dahil half day lang daw ang klase nila nang araw na iyon.
Ayon sa isa sa mga estudyante, may narinig silang boses na tila lalaki na sumigaw na pinagbawalan silang maligo sa ilog.
"May nagbawal po sa amin. Sabi po, 'Hoy! umalis kayo diyan. 'Pag di kayo umalis diyan papatayin ko kayo," sabi ng estudyante pero hindi raw nila nakita kung sino ang lalaki.
Ayon sa pulisya, papaalis na ang grupo nang bigla umanong tumaas ang tubig sa ilog na dahilan ng pagkalunod ng mga estudyante.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung may foul play sa nangyaring insidente.
Samantala, isang batang limang-taong-gulang naman ang nalunod sa swimming pool ng isang resort sa Surigao City.
Ayon sa ina ng biktima, naliligo ang kaniyang anak sa pambatang swimming pool nang biglang may nagsabi sa kaniya na nalunod na ang bata sa pangmatandang swimming pool.
Sabi ng ina ng bata, hindi na niya nasubaybayan ang kaniyang anak dahil binabantayan din niya noon ang kaniyang pitong-buwang-gulang na sanggol.
Dinala sa ospital ang bata pero idineklarang dead on arrival. --FRJ, GMA News