Hindi nakalusot sa Commission on Appointment (CA) at inabutan ng pagtatapos ng sesyon ng Kongreso ang ad interim appointment ni Hans Leo Cacdac bilang kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW).
Sa pagdinig noong Martes, lumutang ang alegasyon na may dummy recruitment agencies umano ang kalihim, bagay na itinanggi naman ng huli.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, chairperson ng CA, "Bypassed na siya (Cacdac) at kailangan siya i-reappoint ng presidente (Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.)."
Binubuo ang CA ng ilang kinatawan mula sa Senado at Kamara para kilatisin ang pagkatao at kakayahan ng mga opisyal na itinatalaga ng pangulo.
Muling babalik sa trabaho ang mga mambabatas sa July 22 para sa third regular session ng 19th Congress.
Sa naturang pagdinig ng CA committee on migrant workers, ipinagpaliban ang deliberasyon sa appointment ni Cacdac dahil sa "lack of material time" upang talakayin ang mga usaping lumutang tungkol sa opisyal.
Dalawa ang dumalo sa pagdinig para harangin ang kompirmasyon ni Cacdac dahil sa umano'y conflict of interest.
Ayon kay Ferdinand Delos Reyes, na isa sa mga humarang sa kompirmasyon, mayroon umanong dummy recruitment agencies si Cacdac, bagay na itinanggi naman ng opisyal.
Nito lang Abril itinalaga ni Marcos si Cacdac bilang kalihim ng DMW matapos maging officer-in-charge noong Agosto 2023 nang pumanaw ang dating kalihim ng DMW na si Susan “Toots” Ople. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News