Nakakuha umano ng katiyakan si Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. mula sa pamahalaan ng Indonesia na muling susuriin ang kaso ng convicted Filipino drug mule na si Mary Jane Veloso.
''Yes, with the decision of the Indonesian government to look into the case filed by Mary Jane Veloso in the Philippines,'' sabi ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil sa Palace reporters nang tanungin tungkol pag-uusap nina Marcos at Indonesian President Joko Widodo.
''In fact, the Indonesian government is waiting for the decision of the Philippine court on the case she filed," ani Garafil.
Nagtungo sa Pilipinas si Jokowi para sa official visit.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs na tatalakayin ang kaso ni Veloso sa pulong ng mga opisyal ng Pilipinas at kanilang Indonesian counterparts.
Umaasa si Marcos na mabibigyan ng clemency o kapatawaran si Veloso.
Taong 2010 nang mahatulan ng parusang kamatayan si Veloso dahil sa pagdadala ng 2.6 kilos ng heroin sa airport sa Yogyakarta.
Pero itinanggi niya na alam niya may droga ang ipinadala sa kaniyang maleta.
Noong 2015, ipinagpaliban ni Jokowi ang pagpapatupad ng parusang kamatayan kay Veloso matapos namang madakip at kasuhan ng Pilipinas ang mga sinasabing nagpadala ng maleta kay Veloso.— FRJ, GMA Integrated News