Matinding trahedya ang sinapit ng pamilya ng isang inang overseas Filipino worker nang masawi sa pagkalunod sa palaisdaan ang dalawang anak niyang babae sa Alcala, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galban sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya noong Linggo ng hapon sa Barangay Vacante.
Kinilala ang magkapatid na biktma na sina Princess Rhianna Lorenzo, 7-anyos at Jalyka, 5. Ayon sa kanilang kaanak, sadya raw malapit sa isa't isa ang dalawa at makikita ito sa kanilang mga video.
Kuwento ng lola ng magkapatid na si Elsa, sumama ang mga bata sa pagbibilad ng palay, at naligo sa palaisdaan.
Ayon sa pulisya, lumilitaw na may kasama naman na mas matanda ang magkapatid pero naging mabilis daw ang mga pangyayari.
Sinabi ng lolo ng mga biktima, na nasa mababaw na palaisdaan lang naligo ang magkapatid at hindi niya nalaman na lumipat ang mga apo sa kalapit na palaisdaan na lampas tao ang tubig.
Inabot ng isang oras bago nakita ang katawan ng mga bata.
Napag-alaman na nagtatrabaho sa ibang bansa ang ina ng mga bata. Pero dahil sa pandemya, hindi na siya makauuwi para masilayan sa huling pagkakataon ang kaniyang mga anak.-- FRJ, GMA News