Nadagdag ang Indonesia sa mga bansa na may ipinatupad na travel ban ang Pilipinas dahil sa dumadaming kaso nila ng COVID-19 sa nakalipas na mga araw.
Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 14 days travel ban ng mga manggagaling sa Indonesia at may travel history sa nabanggit na bansa.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ang travel ban ay epektibo sa 12:01 a.m. ng July 16, 2021 at matatapos sa 11:59 p.m. ng July 31, 2021.
Ang mga nasa biyahe na aabutan ng pagsisimula ng travel ban bago sumapit ang 12:01 a.m. ng July 16 ay papayagang makapasok sa bansa pero kailangang sumailalim sa full 14-day facility quarantine at magpakita ng negative Reverse Transcription - Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) result.
"This action is undertaken to prevent the further spread and community transmission of COVID-19 variants in the Philippines," ayon kay Roque.
Sa ngayon, umabot na sa 2.6 milyon ang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa Indonesia, na pinataas nitong nakalipas na mga araw sa pagdami ng hawahan.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na inirekomenda ng IATF ang travel ban bilang tugon sa sitwasyon sa Indonesia.
Nauna nang nagpatupad ng travel restriction ang Pilipinas sa mga bansang India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman, na pinalawig hanggang July 31 dahil din sa COVID-19 pandemic.--FRJ, GMA News