Sobrang sakit ng kalooban na nararamdaman ng mga kaanak ng isang overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa atake sa puso sa Saudi Arabia. Bukod sa 'di agad nadala sa ospital ang OFW, tinanggihan din siya sa pagamutan at iniwan na lang ang kaniyang mga labi sa labas ng kaniyang pinagtatrabahuhan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing OFW na si Benigno Untalan, 58-anyos, at 28 taon na umanong crane operator sa KSA.
Ayon sa kaniyang mga kaanak, isang umaga habang nasa kaniyang trabaho sa Al Khobar, dumaing si Untalan na nahihirapang huminga kaya nakiusap siyang dalhin sa ospital.
Pero ilang oras daw ang inabot bago dumating ang ambulansiya ng kompanya.
"Two hours po siyang nag-aabang sa labas ng barracks niya, nu'ng dumating ang ambulansya, tinakbo na po siya sa ospital, 'yun nga lang tinanggihan po siya. Then binalik na ng mga 11, nakabalik po sila sa barracks. Doon na siya namatay sa mismong gate, doon na siya binalot," ayon sa anak ni Untalan na si Billy.
Sa video, nakuhanan pa si Untalan na buhay habang nakaupo at tinanong ng isang Pilipino kung bakit hindi pa siya dinadala sa ospital.
Sa isa pang video, ipinakita naman ang bangkay ni Untalan na nakalagay sa itim na body bag na naarawan na.
Ayon sa pamilya, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng death certificate ni Untalan, at hindi rin daw nakikipagtulungan sa kanila ang employer at travel agency ng OFW.
"Naka-survive sana ang asawa ko. Nilagay pa ang bangkay sa ano... parang aso. Ang bait pa naman ng asawa ko," sabi ni Alma, asawa ni Untalan.
Ayon kay Alma, nakaligtas na sa heart attack ang kaniyang mister noong 2019 pero pinili pa rin nito na magtrabaho.
"May tatlo kaming anak na pinag-aaral, kaya kahit may edad na, 58, pinilit niyang magtrabaho para sa amin. Hindi ko po akalain na ganito ang mangyayari," pahayag ng ginang.
"Napakahirap po. Since bata kami si papa nasa abroad na, nangako siya sa amin na last contract na niya itong taon," ayon sabi naman ni Billy.
Umaapela ang pamilya sa pamahalaan na tulungan sana silang maiuwi ang mga labi ni Untalan.
"Mahal na Presidente, nananawagan po ako sa inyo, at nagmamakaawa. Sana po matulungan niyo ang asawa ko na mailibing, makita ko ang bangkay niya," pakiusap ni Alma.
Sinabi naman si Jocelyn Hapal, Policy and Program OIC ng Overseas Workers Welfare Administration, na maaari namang maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Untalan dahil hindi naman COVID-19 ang kaniyang ikinamatay.--FRJ, GMA News