Naaresto ng mga pulis sa Utah, USA ang isang Filipino na suspek sa pamamaril na ikinasawi ng isang biktimang Amerikano, at isa pa ang nasugatan.
Sa ulat ng GMA News’ "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi batay sa ulat ng pulisya, pinagbabaril ng suspek na Pinoy na si Jonathan Llana ang isang sasakyan sa interstate highway noong May 22.
Kaagad umanong nasawi ang biktimang Amerikano na nagmamaneho ng sasakyan at nasugatan ang kasama nito.
Nagkasa naman ng operasyon ang mga awtoridad para tugisin si Llana na natunton habang nagmamaneho ng nakaw na sasakyan.
Naaresto siya kinalaunan nang mahulog sa kanal ang kaniyang sasakyan habang hinahabol ng mga awtoridad.
Nahaharap si Llana sa kasong murder at attempted murder.
Patuloy ang imbestigasyon para alamin ang motibo nito Llana sa ginawang pamamaril. —FRJ, GMA News