Dahil sa dalawang mahabang tusok sa kanilang likurang bahagi na maikukumpara sa hugis ng sungay ng baka, binansagang "gagambang baka" ang spiny orb-weaver sa isang lugar sa Atimonan, Quezon. Ano nga ba ang dahilan kung bakit tila wala silang tigil sa kanilang paglalakad?
Sa "Born To Be Wild," makikita ang paglalakad ng isang gagambang baka para makahanap ng ligtas na lugar kung saan siya maaaring gumawa ng sapot.
Ang ligtas na lugar din ito ang magpoprotekta sa kaniya sa mga kaaway tulad ng ibang insekto, ibon o ibang reptilya.
Kapag nasa loob na ng sarili niyang sapot, nag-iiba na ang ugali ng gagambang baka, na hindi na gaanong gumagalaw at mas nagiging alisto sa paligid.
Siya na ngayon ang humahanap ng pagkain, at nag-aabang ng maliligaw na insekto. — Jamil Santos/VBL, GMA News