Emosyonal na ikinuwento ni Diana Zubiri ang mga hamong pinagdaraanan ng kaniyang anak na si King dahil sa cleft lip at palate nito. Gaya nang hindi agad ito matanggap ng ama, at ang pambu-bully na nararanasan nito sa eskuwelahan.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, nagbalik-tanaw si Diana noong isilang niya sa ospital si King, na hindi agad natanggap ng pumanaw na asawa niya noong si Alex Lopez.
“Siyempre, we are all shocked, especially ako. In denial. Dahil hindi po namin in-expect talaga na ganu'n. But then, siyempre, bilang nanay, tatanggapin mo. And siya, hindi niya masyadong natanggap agad. Naging mabigat 'yung pagtanggap. Pero, ayun, naging okay rin naman po after a while Tito Boy,” saad ni Diana.
“Siyempre, ‘pag nanganak ka, physical 'yung unang mga makikita. So hindi namin siya in-expect na gano'n. So, ako, iyak lang ako nang iyak. Pero, siyempre, kailangan kong harapin kung ano na 'yung mga mangyayari,” pagpapatuloy ni Diana.
Nagpasalamat si Diana sa kaniyang support system noong pinagdaraanan niya ang pagsubok. Gayunman, inamin niyang naging masakit sa kaniya ang hindi pagtanggap ni Alex at ang “pagbitiw” nito sa kanilang anak.
“Naintindihan ko naman. Hindi ko na matandaan 'yung eksaktong sinabi niya. Pero, hindi niya, siyempre po, matanggap. Oo. Kahit naman po ako, parang naintindihan ko 'yung gano’ng pakiramdam kasi nararamdaman ko rin. Pero, siyempre, kailangan kaming dalawa. We support each other. Pero una po siyang bumitaw,” saad ni Diana.
Ito ang rason kung bakit hindi isinapubliko ni Diana ang kaniyang pagbubuntis noon.
“Kaya nu'ng time na 'yun, parang I had to, parang ang dami kasi nagtatanong bakit hindi ko daw nilabas 'yung first pregnancy ko. So, siyempre, ayun po 'yung dahilan. Dahil kailangan kong protektahan din 'yung anak ko and then nagkakaroon ako ng marital problems din,” paliwanag niya.
Ang sitwasyon din ng anak ang dahilan ng hiwalayan nila ni Alex, ayon kay Diana. Ngunit mas pinili niyang magpatawad at hindi na isipin ang nakaraan.
“So, 'yun actually 'yung naging main reason kung bakit din kami naghiwalay. And then nakuha ko nang buo 'yung anak ko. Hindi niya nakita. Nakita niya na lang nu'ng time na nakapag-forgive na ako, Tito Boy," sabi ni Diana.
"Naging maayos kami ulit. Nakita niya na 'yung bata, okay na, naoperahan na. And nu'ng time na 'yun, I had to let go kung ano man 'yung lahat ng sakit. Kasi kahit naman ako, siguro may naging kasalanan din ako sa kaniya kaya ganu'n. Hindi ko na 'yun inisip,” dagdag pa niya.
Dumating din ang pagkakataon na ipinakilala niya si King kay Alex.
“Kailangan ko na lang na, kasi ang bigat-bigat pong dalhin. Siyempre, every time nakikita ko 'yung bata, ayoko naman hahanapin niya 'yung tatay niya sa akin noong time na 'yun, hindi niya nakikita, hindi niya nakasama. So, ayun, pinakilala ko sa kaniya, nakita niya bago rin siya nawala,” ayon pa sa aktres.
Pumanaw si Alex noong 2010.
Nakaranas ng pambu-bully
Ikinuwento rin ni Diana nang magkamalay na si King tungkol sa kaniyang kalagayan, at ang naranasan nitong pambu-bully.
Minsang makita ni King ang isang billboard tungkol sa isang charity work tungkol sa may mga cleft lip at palete.
“Sabi niya, ‘Mommy, bakit ganu'n po 'yung hitsura ng bata doon sa billboard?’ Tapos sabi ko, ‘Alam mo anak, ganiyan ka rin dati.’ Pero i-explain ko sa'yo kapag malaki ka na kung ano 'yung nangyari,” kuwento ni Diana.
Kalaunan, ipinaliwanag din ni Diana sa anak ang kondisyon nito.
“Kasi sa school, medyo nagkakaroon siya ng consciousness. Dahil, siyempre, iba 'yung hitsura niya. Hindi pa po kasi tapos 'yung operation niya, mayroon pang isa. Tinanong ko bakit niya ako tinatanong ngayon lang. Tapos sabi niya kasi, ‘mommy,’ may isa daw siyang classmate na binu-bully siya,” sabi ni Diana.
“Siyempre, parang ako, paano ko i-explain? Na-ready ko na rin 'yung sarili ko kung paano ko i-explain sa kaniya. Pero, matalino po kasi 'yung anak ko. Parang sinabi niya na lang sa akin, ‘You don't need to explain’ kasi tapos na naman daw. And then, nag-sorry ako sa kaniya na kailangan niyang pagdaanan kung ano 'yung napagdaanan niya,” emosyonal niyang paglalahad.
Pasasalamat ni Diana na naging matagumpay ang operasyon ni King.
“Isipin mo, Tito Boy, three months old pa lang siya, operation. Six months old, operation. Hanggang ngayon, hindi pa rin tapos. Kaya, nu'ng happy ako na nasa Australia, kasi sa Australia po, 'yun talaga 'yung pinaka-main na lugar para du’n sa operation niya,” pagbahagi pa niya.
Asawa na ngayon ni Diana si Andy Smith at may dalawa na silang anak. -- FRJ, GMA Integrated News