Nagsampa ng reklamong act of lasciviousness si Rita Daniela laban kay Archie Alemania sa Office of the City Prosecutor sa Bacoor City.
Sa kaniyang complaint-affidavit, inakusahan ni Daniela si Archie na hinalikan siya ng aktor nang wala siyang pahintulot, hinawakan, at sinabihan ng mga hindi magagandang salita.
“That being a public figure, a contractual artist with reputation to protect, it is very difficult for me to file the instant case but the trauma I was and am experiencing brought about by the incident gave me courage to face the consequences and file the instant case against the respondent,” ayon kay Daniela.
Ayon sa singer-actress, nangyari ang insidente noong Setyembre matapos siyang dumalo sa isang Thanksgiving party.
Naghihintay umano siya ng Grab nang dumating si Archie na sakay ng puting van at tumigil sa kaniyang harapan.
Nag-alok umano ang aktor na ihahatid siya sa bahay. Tumanggi umano ang aktres noong una pero nagpumilit umano si Archie at pumayag na rin siya sa pag-aakalang "sober" na ito.
Habang nasa biyahe, inakbayan umano siya ni Archie at hinawakan siya sa balikat at leeg.
Inalis umano niya ang kamay ni Archie at sinabihan na itigil ang ginagawa nito.
Nang nakarating sa bahay at bababa na sana ng van, sinabi ni Daniela na hinawakan umano ni Archie ang kamay niya at humingi ng halik.
Sinabihan umano niya ang aktor na umuwi na at ipinaalala na kilala niya ang asawa nito.
Sa kabila nito, sinabi ni Daniela na hinalikan pa rin siya ni Archie kahit wala siyang pahintulot. Ilang beses din umano siyang nagpumiglas mula sa aktor.
Nagawa din umano ni Archie na yakapin siya at hawakan mula sa likod nang hatakin nito ang kaniyang bag.
Dito na umano siya nagsimulang umiyak at lalo pang nagpumiglas para makawala sa aktor at tuluyang makalabas ng sasakyan.
Isinama ni Daniela sa reklamo ang screenshot ng mensahe ni Daniela kay Archie kaugnay sa ginawa nitong pambabastos sa kaniya. Humingi umano ng paumanhin sa kaniya ang aktor ay sinabing lasing siya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Archie kaugnay sa reklamo ni Daniela.—mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News