Inilahad ng transman na si Jesi Corcuera na hindi naging madali ang mga pinagdaanan niya sa kaniyang pagbubuntis sa kagustuhan na magkaroon ng sariling anak.
Sa panayam sa kaniya sa GMA show na "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabi ng StarStruck alumnus na pitong buwan na ang kaniyang ipinagbubuntis.
Hindi raw siya nakaramdam ng morning sickness o pagsusuka habang nasa unang bahagi ng kaniyang pagbubuntis.
Pero mas ramdam na raw niya ngayon na buntis talaga siya.
Hindi raw naging biro ang paggawa niya ng desisyon at proseso sa pasya niyang magdalang-tao.
"Hindi siya biro," saad niya. "Financially, emotionally, mentally, lahat po talaga."
"Mas malala pa siya sa rollercoaster," giit niya.
Kabilang sa ginawa niyang paghahanda ang pagtigil sa pag-inom niya ng hormones para tumaas ang kaniyang estrogen levels na higit sa testosterone.
Dahil dito, nagkaroon din ng pagbabago sa kaniyang emosyon.
"Maraming changes," ani Jesi. "Believe ako sa partner ko kasi siya 'yung sumalo. Lalo na ngayong buntis ako, lagi niya sinasabi, 'Hormones mo 'yan.'"
"Di ko masyado naiintidihan kasi first time ko," dagdag niya.
Kahit hindi pa man siya nagbubuntis, naging mahirap na rin umano kay Jesi, at inabot ng tatlong taon bago ito natupad.
"Marami akong paghahandang ginawa," patuloy niya.
Sa nakaraang panayam sa kaniya ng "Fast Talk With Boy Abunda," sinabi ni Jesi na nabuntis siya sa pamamagitan ng artificial insemination.
Isang dayuhan na nasa Pilipinas ang naging sperm donor, at nakakaugnayan pa raw niya ito.
Babae ang inaasahang magiging first baby ni Jesi, na tinawag niyang "Ninja."
Naging bahagi ng "StarStruck: The Next Level" si Jesi noong 2006. Kabilang sa mga nakasabay niya ay sina Kris Bernal, Aljur Abrenica, Paulo Avelino, at Chariz Solomon.—FRJ, GMA Integrated News