Inilahad ni Julie Anne San Jose na tinitiyak sa kaniya ng nobyong si Rayver Cruz na hindi magbabago ang pag-ibig nito sa kaniya sa kabila ng bashing na natatanggap mula sa ilang fans.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, inamin ni Julie na alam niyang may ilang "JAmantes," o kaniyang fans, ang ayaw kay Rayver para sa kaniya.

Gayunman, ikinatuwa ni Julie na kinukumbinsi pa rin ni Rayver na nararapat ito para sa kaniya.

"Actually, wala talaga sa kaniya 'yun, Tito Boy," ani Julie.

"Kasi palagi niya akong nire-reassure like, 'Kahit naman anong mangyari, kahit ano pang sabihin ng tao, kahit marami pang may ayaw sa 'kin o kung ano man 'yung sabihin nila about me, it doesn't matter kasi you know I love you so much and hinding-hindi magbabago 'yon just because may mga ayaw sa 'kin.'"

Sa pag-guest din ni Rayver sa "Fast Talk with Boy Abunda" kinumpirma niyang nakatatanggap nga siya ng mga negatibong komento mula sa fans ni Julie.

"May mga makikita pa rin ako like sa social media na talagang ina-attack pa rin ako or bina-bash, pero hindi ko na lang po pinapansin. Okay lang din naman kasi wala, Tito Boy, hindi na natin mako-control 'yun eh," sabi ni Rayver.

Nakatakdang magbalik sina Julie at Rayver bilang mga host ng upcoming season ng "The Clash" na mapanonood na sa Sabado ng 7:15 p.m.

Samantala, napanonood din si Rayver sa GMA Prime series na "Asawa ng Asawa Ko" samantalang coach si Julie sa upcoming na "The Voice Kids Philippines." --FRJ, GMA Integrated News