Nagsampa na ng reklamo ang aktor na si Sandro Muhlach sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dalawang tao na hindi pinangalan ng ahensiya. Nagbigay din ng maikling pahayag tungkol sa kaniyang kalagayan ang aktor.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng NBI na kasama ni Sandro nang magtungo sa tanggapan nila ang ama ng aktor na si Niño Muhlach.
Hindi tinukoy ng NBI kung sino ang dalawang inireklamo ni Sandro. Humiling din ng privacy ang mag-ama tungkol sa reklamo na kanilang isinampa.
Nitong Huwebes, naglabas ng pahayag ang GMA Network para ipaalam sa publiko na naghain na ng reklamo si Sandro laban sa dalawang independent contractors ng GMA na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Wala ring ibinigay na detalye ang GMA tungkol sa reklamo ni Sandro bilang respeto sa hiling ng aktor na confidentiality.
Naglabas din ng pahayag nitong Huwebes ang kampo nina Nones at Cruz, at sinabi nila na hindi sinasalamin ng mga alegasyon ang tunay umanong nangyari.
Sasagutin daw nila ang mga alegasyon sa tamang forum, at kapag natanggap na nila ang kopya ng reklamo.
Samantala, sa isang text message sa GMA Integrated News, inihayag ni Sandro na hindi siya okay "pero kakayanin ko po."
Sa cryptic posts sa social media kamakailan, inihayag ni Dianne Tupaz na asawa ni Niño, kinondena niya ang ginawa umanong kababuyan sa kanilang anak.
“Pinalaki at iningatan naming mabuti ang aming mga anak na puno ng pagmamahal at pag-aaruga tapos wawalang hiyain lang ng mga kung sinong tao na nilamon ng kademonyohan sa katawan para magawa ‘yung ganung klaseng kababuyan!” ani Tupaz.
“Habang buhay na dadalhin ng anak namin ‘yung kababuyan na ginawa n’yo sa kanya! Wala kaming pakialam kung sino kayo o kung sino ang poprotekta sa inyo! Sisiguraduhin namin na pagbabayaran n’yo ‘yung ginawa n’yo!” patuloy niya.
Nangako rin siya na pananagutin nila kung sino man ang kaniyang tinutukoy para hindi na umano makapambiktima ng iba.
Sinabi naman ni Niño nitong Huwebes na magsasalita siya kapag naisampa na nila ang kasong kriminal. -- FRJ, GMA Integrated News