Inihayag ng ama ni Sandro Muhlach na si Niño, na magsasampa rin sila ng kasong kriminal laban sa dalawang independent contractor ng GMA Network. Nagbigay din ng pahayag ang abogado ng dalawang inirereklamo.
Inihayag ni Niño ang tungkol sa pagsasampa ng kasong kriminal nang hingan ng komento tungkol sa reklamo na inihain nila sa GMA Network laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.
“Tinatapos lang po namin i-file criminal case then I’ll talk,” saad ng veteran actor sa text message sa GMA Integrated News.
Nitong Huwebes, naglabas ng pahayag ang GMA Network na nagsasaad na natanggap na nila ang reklamo ni Sandro laban sa dalawang independent contractor, at magsasagawa na sila ng imbestigasyon.
Gayunman, dahil sa pagiging seryoso ng sinasabing naganap na insidente, hindi na ilalahad sa publiko ang mga detalye nito bilang paggalang na rin sa privacy na hiniling ni Sandro.
Nagbigay naman ng pahayag ang abogado nina Jojo at Richard, at sinabing ikinalulungkot ng kaniyang mga kliyente ang naglalabasang espekulasyon sa social media laban sa kanila.
“Our clients are deeply saddened by the serious allegations hurled against them circulating on social media. And though these allegations do not mirror the true accounts of the event, we would like to reserve the right to respond in a proper forum when we receive a copy of the formal complaint,” sabi ni Atty. Maggie Abraham-Garduque.
“For the meantime, we urge the public to respect the investigation being conducted on this case and we advise people who have no personal knowledge of the incident to refrain from posting baseless defamatory allegations and therefore unfairly subjecting both parties to publicity trial,” dagdag niya.
Una rito, may cryptic posts sa social media sina Niño at asawa niyang si Dianne Tupaz sa harap ng mga usap-usapan ng netizens tungkol sa nangyari umano kay Sandro.
“Inumpisahan n’yo, tatapusin ko,” saad sa all caps na post ng aktor.
Mas mahaba naman ang post ni Tupaz sa kaniyang Facebook account tungkol sa "kababuyan" na ginawa umano sa kanilang anak.
“Pinalaki at iningatan naming mabuti ang aming mga anak na puno ng pagmamahal at pag-aaruga tapos wawalang hiyain lang ng mga kung sinong tao na nilamon ng kademonyohan sa katawan para magawa ‘yung ganung klaseng kababuyan!” ani Tupaz.
“Habang buhay na dadalhin ng anak namin ‘yung kababuyan na ginawa n’yo sa kanya! Wala kaming pakialam kung sino kayo o kung sino ang poprotekta sa inyo! Sisiguraduhin namin na pagbabayaran n’yo ‘yung ginawa n’yo!” patuloy niya.
“Hindi namin hahayaan na may mabiktima pa kayo na iba! Itutuloy namin ang laban! Managot ang dapat managot! Nakaka nginig kayo ng laman!” ayon pa kay Tupas.
Ang kapatid ni Niño na si Angela, nag-post din sa Instagram Stories na: “Our family will be the one to break the injustices all the other artists are facing! This has to stop. We will fight for justice.” — FRJ, GMA Integrated News