Labis ang pasasalamat ni Dingdong Dantes sa pagkilala sa kanila ni Marian Rivera sa ginawa nilang pelikula na "Rewind."
Nakatakdang tanggapin ng mag-asawa ang Bida sa Takilya Award at the Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards 2024 sa pagiging blockbuster ng kanilang pelikula na naging kalahok sa nagdaang Metro Manila Film Festival 2023.
"Salamat, salamat sa FAMAS sa pagkilalang ito. Lahat naman nito, lahat ng mga nangyayari, lalo na du'n sa pelikulang 'Rewind' eh lahat iyon ay ika nga, bigay ni Lods," sabi ni Dingdong sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Matatandaan na si Dingdong ang itinanghal na Best Actor sa kauna-unahang Manila International Film Festival, na ginanap sa Los Angeles, California noong Pebrero.
Ipinalabas sa naturang festival ang 10 kalahok sa nagdaang Metro Manila Film Festival 2023.
Ang "Rewind" nina Marian at Dingdong ang naging highest-grossing Filipino film of all time, at puwede na itong mapanood sa Netflix.
Bukod sa kanilang TV projects, may kaniya-kaniya ring movie projects sina Marian at Dingdong.
Bibida si Dingdong sa pelikulang "Love After Love," habang may Cinemalaya entry na "Balota" naman si Marian.
"Excited na excited siya dito sa pelikulang ito dahil nandu'n na rin siya sa punto ng kaniyang buhay na gusto rin niyang gumawa ng mga edgy, mga challenging, at makabuluhang mga proyekto," ayon kay Dingdong.
Napapanood din ngayon si Marian sa Kapuso series na “My Guardian Alien.” Habang host naman ng "Family Feud Philippines" si Dingdong.--FRJ, GMA Integrated News